Rehabilitasyon ng MRT aarangkada ngayong Enero

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2019 07:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sisimulan na ngayong Enero ang rehabilitasyon ng MRT-3, na nagkakahalaga ng P18 bilyon, at inaasahang makapagbibigay ng ginhawa sa mga pasahero.

Kabilang sa mga ire-rehabilitate o isasaayos sa loob ng tatlo at kalahating taon ang buong sistema ng MRT, mula elevator, escalator, signalling system, hanggang sa riles ng linya.

Kasama rin sa proyekto ang rehabilitasyon ng 72 bagon.

Kapag naayos, inaasahang dadami ang tren sa linya, iikli ang pila ng mga pasahero, at mas mabilis na rin silang makararating sa mga destinasyon. 

Pero nilinaw ng pamunuan ng MRT na hindi pa agad-agad mararamdaman ang ginhawa sa linya.

"Twenty-six months 'yong overhaul ng mga tren natin and eventually on the 43rd month kasama na iyong buong system," ani Mike Capati, director for operations ng MRT.

Dahil sa rehabilitasyon, posible rin daw mabawasan ang bilang ng mga tumatakbong tren. Mula sa average ngayon na 15, maaari raw bumaba ito sa 12 o 13.

Madadagdagan din ang taunang shutdown tuwing Semana Santa.

"May mga time na magsisimula kaming mag-rehab ng tren, saka rehab, expect nila na ma-longer 'yong rehab time natin," ani Capati.

Pumirma ng kasunduan noong Nobyembre ang gobyerno at Japan International Cooperation Agency para sa pautang na P18 bilyon para sa MRT. --Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.