PatrolPH

Agri chief umapela sa importers, balikbayan kaugnay sa African swine fever

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2019 06:15 PM | Updated as of Jan 07 2019 07:19 PM

Baboy mula sa bansang apektado ng African swine fever nakapasok ng Pilipinas pero di raw dapat ikabahala

Watch more on iWantTFC

(UPDATED) Umapela ngayong Lunes si Agriculture Secretary Emmanuel "Manny" Piñol sa mga importer na huwag munang mag-angkat ng baboy at produkto mula sa mga bansang "high risk" o kalapit ng mga bansang apektado ng African swine fever (ASF).

Bukod doon, umapela rin si Piñol sa mga balikbayan mula sa mga bansang apektado ng ASF at "high risk countries" na huwag nang mag-uwi ng mga produkto na posibleng maging sanhi ng pagkalat ng naturang sakit dito.

Kabilang sa mga bansang apektado ng ASF ang China, Hungary, Belgium, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Bulgaria, Czech Republic, Moldova, South Africa, at Zambia.

Nauna nang sinabi ng Samahan ng Industriyang Agrikultura (SINAG) na bagaman hindi nakahahawa sa tao ang karneng may ASF, maaaring ikamatay ng maraming baboy sa bansa ang sakit at ikalugi ng industriya.

Ipinagbawal na rin noong Setyembre ng DA ang pag-angkat ng mga karneng baboy at processed pork products mula sa mga bansang may ASF. ​

Pero sa kabila ng importation ban, naka-monitor daw ang SINAG na nakapasok sa bansa ang higit isang milyong kilong karneng baboy mula Belgium noong Oktubre at Nobyembre.

"Worried tayo kasi baka 'yong backyard raiser, pumunta sa palengke at makabili niyan, mauwi, apektado iyong mga alaga nila sa bahay," ani SINAG chairman Rosendo So. 

Ayon kay Piñol, sakaling mapatunayang nagkaroon ng pagbenta ng karneng baboy at pork-based products mula sa bansang may ASF, kukumpiskahin nila ito, at mananagot ang importer at nalusutang Bureau of Animal Industry (BAI).

Pero ayon sa BAI, walang naging paglabag ang pagpasok ng mga karne mula Belgium dahil papunta na raw ng Pilipinas ang kargamento bago pa ilabas ang dokumento sa importation ban. --Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.