PatrolPH

3 PNP intel officers sinibak dahil sa 'profiling' sa ACT teachers

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2019 04:00 PM | Updated as of Jan 07 2019 08:53 PM

Watch more on iWantTFC

Pinasibak ng hepe ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong intelligence officers dahil sa pag-"leak" o pagbunyag sa pagkuha ng listahan ng mga gurong kasali sa Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Sinabi ngayong Lunes ni PNP chief Director General Oscar Albayalde na may mga ranggong senior inspector hanggang chief inspector ang mga sinibak na pulis, at nakatalaga ang mga ito sa Maynila, Quezon City, at Zambales.

Pero itinanggi ni Albayalde na ipinag-utos niya ang profiling sa mga miyembro ng grupo. Kung nagkaroon man ng pagkuha ng listahan ng mga miyembro ng ACT, ito raw ay bahagi ng "intelligence monitoring" ng PNP.

Pinasibak ni Albayalde ang mga pulis dahil sa pagkalat ng impormasyon at paglikha umano ng "unnecessary panic."

"This is not profiling. This has been part of our intelligence monitoring lang naman ito," sabi ni Albayalde sa isang press conference.

Iginiit din ng hepe ng PNP na kung walang ginagawang masama ang isang gurong miyembro ng ACT ay wala itong dapat katakutan.

Nauna nang sinabi ni ACT secretary-general Raymond Basilio na bumuhos sa kanila ang mga ulat na mayroong mga inteligence operative ng PNP na nag-iikot kamakailan sa mga paaralan sa iba-ibang panig ng bansa at pinatutukoy sa mga paaralan kung sino ang mga gurong miyembro ng o may kaugnayan sa ACT.

Bukod sa mga ulat ng profiling, naglabas din noong Enero 4 ang Division of City Schools–Manila na may kalakip na memorandum sa PNP na tila nag-eendorso sa utos ng Manila Police District na kuhanin ang lahat ng pangalan ng ACT members sa mga pribado at pampublikong paaralan.

Naglabas din umano ng memo ang mga pulis sa Muntinlupa, bayan ng Angono sa Rizal, at Muntinlupa.

Pero ayon sa Division of City Schools–Manila, mali lang ang pagkakaintindi sa kanilang inilabas na sulat.

"Ang usual practice kasi namin kung may mga communication na ganoon, nira-route namin para alam ng principals na may ganoong request," ani Manila City Schools Division Superintendent Jenilyn Corpuz.

"Sa ACT organization sila dapat humingi, hindi sa amin," ani Corpuz.

Wala rin umanong natanggap na memo ang central office ng Department of Education (DepEd) mula sa PNP at agad nilang binawi ang inilabas na sulat ng school division office.

Nagdaos naman ng protesta nitong Lunes ang ilang miyembro ng ACT at Manila Public School Teachers Association sa harap ng tanggapan ng DepEd sa Maynila, at sa tapat ng Camp Crame sa Quezon City.

Pinag-aaralan ng ACT kung ano ang kasong puwede nilang isampa laban sa PNP.

Sa isang pahayag noong Linggo, inihalintulad ng grupo ang umano ay pag-profile sa kanilang mga miyembro sa "tokhang" list ng pulisya o iyong listahan ng mga hinihinalang dawit sa droga.

Wala naman nakikitang mali ang Palasyo sa umano ay pagmamatyag ng PNP sa mga guro.

--May ulat nina Jasmin Romero at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.