NFA official patay sa salpukan ng sasakyan, truck sa Surigao

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2018 12:14 AM | Updated as of Jan 07 2018 09:06 AM

Nagsalpukan ang isang forward truck at AUV sa Barangay Boyongan, bayan ng Placer, Surigao del Norte Sabado ng hapon. Kuha ng Placer Municipal Station

PLACER, Surigao del Norte - Patay ang isang opisyal ng National Food Authority matapos bumagga ang kaniyang minamanehong sasakyan sa isang forward truck sa Barangay Boyongan sa bayang ito, Sabado.

Kinilala ang biktima na si Gleen Echin, 57-anyos na manager ng NFA-Surigao City.

Ayon sa mga pulis, biglang lumiko ang AUV ni Echin sa lane ng forward truck. Kumabig anila ang truck driver na si Jessie Casas sa road shoulder, pero nagdire-diretso ang takbo ng AUV, dahilan para sumalpok ito sa gilid ng truck.
 
Nasawi si Echin ilang minuto matapos maisugod sa ospital. Nasa kustodiya naman ng mga pulis si Casas, na maaaring kasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.

Pauwi na sana ang biktima sa Surigao City nang mangyari ang aksidente habang papunta sa Tubod, Surigao del Norte ang truck driver, banggit ng mga imbestigador.

Ulat ni Lorilly Awitan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.