Mga deboto, magdamag aabangan ang 'pahalik' sa Quirino Grandstand

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2018 08:08 PM | Updated as of Jul 04 2019 04:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsimula nang magtipon nitong Linggo ang mga deboto sa open area ng Quirino Grandstand para magdamag na mag-abang at mauna sa pila ng "pahalik" sa replica ng Itim na Nazareno na idaraos kinabukasan.

Isa na rito sa Mabel Asiado, na unang beses dumalo sa "pahalik."

"Hindi naman siguro kami masyado mahihirapan sa pila kasi inuuna daw po 'yong mga baby," ani Asiado, na isinama sa okasyon ang kaniyang apat na buwang gulang na anak.

Lumuwas pa mula Cavite si Emily Mendoza, na siyam na taon nang deboto ng Itim na Nazareno, kasama ang kaniyang pamilya.

Hindi umano iintindihin nina Mendoza ang init at hirap sa pila makahalik lang sa poon na ipaparada sa Martes.

"Maganda po ang pakiramdam kapag nakahalik at nakahawk sa Itim na Nazareno," ani Mendoza.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Celine Pialago, sinabi ng komiteng nangangasiwa sa Traslacion na bahagyang mauusod ang iskedyul ng "pahalik" dahil sa misa.

"Napagdesisyunan ng executive committee na magkaroon ng misa para sa lahat ng volunteers, kawani ng gobyerno, mga stakeholders na nagpa-participate sa Traslacion," ani Pialago.

Tantiya ni Pialago, posibleng alas-8 ng umaga magsisimula ang "pahalik," pagkatapos ng misa, sa halip ng nakasanayang alas-6 ng umaga.

Nagtalaga ng orange barriers ang MMDA para sa pila sa pahalik. 

May hiwalay na pila ang mga buntis, matanda at may kapansanan.

Naghanda rin ng first aid tent ang MMDA para sa agarang pagbibigay ng ayuda ng 100 emergency personnel. Mayroon ding nakaantabay na mga wheelchair at ambulansya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Libo-libong deboto naman ang tumungo sa Quiapo Church nitong Linggo upang makiisa sa prusisyon ng mga replica ng Itim na Nazareno.

Bandang tanghali, umabot na sa 70,000 ang bilang ng mga deboto na tumungo sa simbahan, ayon sa tala ng Manila police. 

Bitbit nila ang nasa 400 replica ng Nazareno, na binendisyunan bago simulan ang prusisyon pasado alas-2 ng hapon. Inaasahan itong matapos sa gabi.

Ilang oras makalipas, alas-4 ng hapon, pumalo sa 100,000 ang bilang ng tao sa Quiapo.

Umapela naman si Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, sa mga deboto para sa mapayapang pagdaraos ng Traslacion.

"Taon-taon naman po ay nag-i-improve ang ating prusisyon at sana po mas marami ngayon ang makiisa talaga, 'yong isipin ang kapakanan ng bawat isa," sabi ni Badong.

-- Ulat nina Jeck Batallones, Abner Mercado, at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.