PatrolPH

Enchanted Kingdom nagsara muli kasabay ng pagtaas ng COVID cases sa Laguna

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2022 05:56 AM | Updated as of Jan 06 2022 07:48 PM

Watch more News on iWantTFC

Muling nagsara ang Enchanted Kingdom sa lungsod ng Santa Rosa kasabay ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Laguna.

Simula Biyernes, Enero 7, ay nasa ilalim na rin ng Alert Level 3 ang lalawigan dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Rene Bagamasbad, provincial health officer ng Laguna, mula sa 25 kaso lamang ng COVID-19 na naitala noong Pasko ngayon ay nasa mahigit 400 na ang active cases.

Dati ay nasa 15 lamang ang karaniwang naitatalang kaso kada araw, ngunit nitong Miyerkoles ay pumalo sa 194 ang bagong kaso.

Pinakamarami sa naitalang kaso ay sa unang distrito ng Laguna na kinabibilangan ng mga lungsod ng San Pedro, Biñan, Santa Rosa at Cabuyao.

Pami-pamilya na rin umano ang nagkakahawaan na mga nanggaling sa mga mall, family reunion at pasyalan nitong nagdaang Kapaskuhan.

Dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng mga COVID case sa Laguna, inanunsyo ng pamunuan ng Enchanted Kingdom na sarado na muli ang theme park hanggang sa Enero 16.

Boluntaryo ang muling pagsasara ng pasyalan para na rin sa kaligtasan ng mga staff, crew members at maging ng mga bumibisita rito.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.