'Masakit pa rin': Asawa ng construction worker na napagkamalang holdaper hangad ay hustisya

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2021 03:16 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nakatakdang ihatid sa huling hantungan sa Sabado ang mga labi ng construction worker na napatay ng mga pulis matapos na mapagkamalang holdaper sa Pampanga.

Ayon kay Carla Navarro Pineda, sa bayan sa Sta. Rita ililibing ang asawang si Federico., 29-anyos.

“Masakit pa rin yung pagkawala ng asawa ko kasi po talagang biglaan,” sabi niya.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nasasagawa ng dragnet operation ang mga pulis dahil sa nangyaring pagnanakaw sa isang piso net shop sa Barangay San Matias sa bayan ng Sta. Rita nang saktong mapadaan ang biktima.

Ayon kay Police Capt. Renemer James Pornia, hepe ng Sta. Rita Police, sumakto sa description ng suspek si Pineda kaya ito napagkamalan.

Kuwento ng ginang sa TeleRadyo na nabaril sa likod ang asawa at tinamaan ng bala ang baga nito. Sa ospital na binawian ng buhay ang mister.

Kagagaling lamang sa kaarawan ng kanilang bunsong anak si Federico nang mapatay.

Samantala, nagpadala na ng abugado si Pampanga Gov. Dennis Pineda para tumulong sa pamilya pagsampa ng kaso sa nakapatay na pulis.

“May pumunta nung hapon ipinadala daw po ni gov,” sabi ng ginang.

Nangako umano ang gobernador na bibigyang tulong legal ang pamilya ni Pineda dahil ang Public Attorneys Office ay ang magiging kinatawan naman umano ng pulis na nakabaril sa biktima.

“Pinapa-xerox na po yung mga papeles tapos pag-aaralan na daw po,” dagdag niya.

Kuwento ng ginang, posibleng mag-request ang abugado na muling ma-autopsy ang bangkay ng mister.

“Kailangan daw po,” sabi niya.

Bukod sa kaniya, naulila sa pagkamatay ng mister ang kanilang dalawang anak na may edad na 9 at 7 taong gulang.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC