Love triangle sinisilip sa pagpatay sa sundalo sa Lanao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2021 05:31 PM

Love triangle ang isa sa mga tinitingnang anggulo kaugnay ng pagpatay sa isang sundalo sa bayan ng Wao, Lanao del Sur, sabi ngayong Miyerkoles ng pulisya.

Binaril si Corporal Arnasil Esmael sa loob ng bahay ng kaniyang nobyang si Anabelle Emperor bandang alas-10 ng umaga nitong Linggo.

Ayon sa imbestigador na si Staff Sgt. Mark Ariel Macana, person of interest sa kaso ang dating nobyo ni Emperor.

Kahit hiwalay na, patuloy pa rin daw tinatawagan at tine-text si Emperor ng dating nobyo dahil hindi raw nito matanggap na napunta na sa iba ang babae.

Duda ang pulisya sa pahayag ng person of interest, na nagsabing nasa trabaho siya nang mangyari ang krimen.

Hindi kasi ito tugma sa pahayag ng mga katrabaho niyang nagi-inuman sila noong mga oras na iyon.

Ayon naman kay Lt. Col. Romulos Rabara ng 5th Infantry Battalion, tinitingnan din kung may kinalaman sa trabaho ng biktima ang krimen.

"'Di ko rin masabi na service related," ani Rabara.

Ayon sa pulisya, tila pamilyar ang gunman sa lugar dahil naiwasan nito ang police checkpoint na malapit sa crime scene.

-- Ulat ni Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.