Lalaki patay matapos umanong barilin ng kapuwa sundalo sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2021 12:40 PM

Patay ang isang sundalo matapos umanong barilin ng nakaalitang sundalo sa Zamboanga City noong Enero 5, 2021. Retrato mula kay Leizel Lacastesantos

Patay ang isang sundalo ng Philippine Army matapos umanong barilin ng kaniyang kapuwa sundalo sa Barangay Cabatangan, Zamboanga City gabi ng Martes.

Kinilala ng mga pulis ang biktima bilang si Technical Sgt. Joseph Cutaran, 46 anyos at residente ng lungsod.

Binaril umano si Cutaran ni Private First Class Herbert Antonio, na sumuko sa mga awtoridad umaga ng Miyerkoles.

Parehong nakatalaga ang 2 sa kampo ng 54th Engineering Brigade sa naturang barangay.

Ayon sa imbestigasyon, kinumpronta ni Cutaran si Antonio dahil sa hindi pagsunod sa duty nito na bantyan ang elevated water tank ng kampo.

Napikon ang suspek kaya binaril si Cutaran nang 2 beses, ayon sa pulisya.

Pinaniniwalaang nakainom ang suspek nang mangyari ang pamamaril.

Kakasuhan ng murder ang suspek, ayon sa pulisya.

-- Ulat ni Liezel Lacastesantos

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.