PatrolPH

Jeepney drivers hirap magpatupad ng health protocols; LTFRB may babala

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2021 05:18 PM

Jeepney drivers hirap magpatupad ng health protocols; LTFRB may babala 1
Pasahero ng jeep sa Las Piñas City noong Disyembre 15, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nakakalusot at nakakasakay pa rin ang mga pasaherong hindi nakasuot nang maayos ang face mask at walang face shield sa mga biyahe ng jeepney sa isang terminal sa Tandang Sora, Quezon City.

Balewala na tuloy ang mga nakapaskil na paalala na sumunod sa mga protocol laban sa COVID-19.

Wala na ring kumukuha ng temperatura ng mga pasahero at wala na ring alcohol para sa kanilang mga kamay.

Aminado ang jeepney driver na si Michael Navarra na hirap silang magpatupad ng health protocols, lalo na kapag rush hour.

"Parang ngayon po parang hindi na masyadong matitiyak eh kasi 'yong tao na rin parang hindi na sila natatakot," ani Navarra.

Kaya mas pinaiigting na lang aniya ang pagpapaalala sa kaniyang mga pasahero.

"Kinukwan ko na lang sa kanila na mag-distance tayo kasi hindi puwede 'yong ganon na magdikit-dikit... saka face shield at face mask, kailangan lagi," ani Navarra.

Noong holiday, maraming mga jeep ang nasita ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) ng pulisya.

Sa Monumento, Caloocan, pinababa at nasermonan ang mga pasahero ng isang jeep matapos makita ng HPG na walang face shield ang ilan sa kanila.

Natiketan din ang driver ng naturang jeep.

Iginiit naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na responsibilidad ng mga public utility vehicle (PUV) driver na tiyaking mahigpit na nasusunod ang health protocols.

Babala ni Joel Bolano, head ng LTFRB Central Office Technical Division, may karampatang parusa ang mga lalabag.

"'Yong franchise niya (driver) maapektuhan pagdating sa third offense niya, possible na ma-suspend po 'yong franchise," ani Bolano.

Sa usapin naman ng barrier sa loob ng jeep, paliwanag ng LTFRB na sa inilabas na kautusan, wala silang binanggit na sukat ng pangharang.

Ang mahalaga anila ay may harang para hindi magdikit-dikit ang mga pasahero.

Nanawagan ang mga jeepney driver sa mga pasahero na tulungan silang maipatupad nang maayos ang mga health protocol.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

 RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.