Credit card ng senador na-hack, ginamit pambili ng P1-M halaga ng pagkain

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2021 08:46 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Kasagsagan ng pagdinig sa Senado noong Martes nang makatanggap ng alert si Sen. Sherwin Gatchalian mula sa bangko kaugnay sa pagpapalit ng kanyang registered cellphone number.

Pero dahil busy siya ay hindi niya ito pinansin kaya't tuluyang napalitan ng hacker ang phone number para sa kaniyang credit card.

Hapon na nang mapansin niya na may transaction siya sa isang third party delivery app.

"Itong mga hacker nag-innovate na rin, tiningnan nila saan sila puwede makalusot, itong papapalit ng number napalitan nila," sabi ng senador.

Ayon kay Gatchalian, nagawa ng hacker na palitan ang registered phone number niya para makuha ang one time password (OTP). Ginawa ang transaksiyon sa loob nang isang oras. 

Ang inorder: P1 milyong halaga ng pagkain mula sa delivery app.

Hinala ni Gatchalian, inside job sa bangko o kaya sa food delivery app ang posibleng nangyari.

Nagbabala naman ang Credit Card Association of the Philippines sa mga naglipanang scammer target ang mga credit cardholder.

"Kaya kailangan, i-register muna ang number sa bangko bago gumamit ng online, kase sa 'yo ipapadala ang OTP," ani Alex Ilagan, executive director ng grupo.


–Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.