Calapan naglaan ng P25 milyon para sa COVID-19 vaccines

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2021 12:01 PM

Naglaan ang lokal na pamahalaan ng Calapan City, Oriental Mindoro ng P25 milyon para sa pagbili ng COVID-19 vaccines na ibibigay sa mga residente ng lungsod.

Inanunsiyo ito umaga ng Martes ni Calapan Mayor Arnana Panaligan sa flag ceremony sa munisipyo ng lungsod.

Ayon kay Panaligan, bagaman kakaunti ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar, prayoridad ng lokal na pamahalaan na mabakunahan ang lahat ng nasasakupan.

Nakapagtala ang Calapan ng 719 kumpirmadong kaso ng COVID-19 mula nang mag-umpisa ang pandemya pero sa bilang na iyon, 13 na lang ang active cases o iyong hindi pa gumagaling sa sakit.

Bago nito, ilang local government unit (LGU) na sa iba't ibang panig ng bansa ang nagsabing nagtabi sila ng pondo para makabili ng COVID-19 vaccines na ituturok sa kanilang mga nasasakupan.

Nauna na ring pinuri ng Malacañang ang hakbang ng mga LGU.

Sa buong bansa, umabot na sa 479,693 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong COVID-19 cases, base sa tala ng Department of Health noong Martes.

-- Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.