PatrolPH

Bangkay ng lalaki, natagpuan sa kanal sa Olongapo City

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2021 08:35 PM

Bangkay ng lalaki, natagpuan sa kanal sa Olongapo City 1
Iniahon ng awtoridad ang bangkay ni Gener Ramos, 53-anyos, mula sa kanal sa tabi ng barangay outpost sa Gordon Heights sa Olongapo City. Larawan mula sa Bago at Progresibong Gordon Heights

Isang bangkay ng lalaki ang nakitang nakalutang sa kanal sa tabi mismo ng barangay outpost ng Gordon Heights sa Olongapo City, Miyerkoles ng umaga.

Sa pagresponde ng mga awtoridad, nakilala ang lalaki na si Gener Ramos, 53-anyos, taga-Barangay Mabayuan sa naturang lungsod.

Ayon sa kapitan ng barangay, matagal nang nanunuluyan sa outpost ng barangay ang biktima at naglilinis doon sa kabila ng pagiging paralisado ng kalahating bahagi ng katawan.

Dati na umanong inatake sa puso ang biktima kaya hinala ng awtoridad na posibleng nadulas ito sa kanal at hindi na nagawang makaahon pa.

Wala naman umanong kaaway ang biktima na kilalang mabait at masipag.

Binabalikan pa ng awtoridad ang mga kopya ng CCTV sa lugar para masigurong walang foul play. 

Isasailalim din sa autopsy ang bangkay para malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Ramos.

 RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC

- ulat ni Gracie Rutao 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.