PatrolPH

Pagbuo ng OFW dep't iginiit dahil sa tensyon sa Middle East, maid slay

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2020 04:18 PM | Updated as of Jan 06 2020 07:39 PM

Pagbuo ng OFW dep't iginiit dahil sa tensyon sa Middle East, maid slay 1
Hawak ng isang pulis sa Iran ang retrato ng yumaong heneral na si Qassem Soleimani, na nasawi sa isang airstrike sa Baghdad airport noong Enero 4. Nazanin Tabatabaee, WANA via Reuters

(UPDATE) Iginiit ng isang kongresista ang kahalagahan ng pagbuo ng isang ahensiya ng gobyernong tutugon sa pangangailangan ng mga overseas Filipino worker (OFW) dahil sa banta ng giyera sa Middle East at pagpatay sa isang Pinoy domestic helper sa Kuwait.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Batangas 5th District Rep. Marvey Marino na sa pamamagitan ng isang department para sa OFWs, matitiyak na hindi maaapektuhan ang mga Pinoy sakaling magkaroon ng gulo sa pagitan ng Amerika at Iran.

"Mas lalo nating kailangan 'yong department na yun to make sure that our OFWs will not be part of the retaliation of Iran," ani Marino, ang chairperson ng House committee on government reorganization.

"The department can really focus on... Iran or neighboring areas, kung papaano ide-deploy 'yong next batches of OFWs or in case they have to send back to our country kasi magulo," dagdag niya.

Watch more on iWantTFC

Noong Biyernes, nagbagsak ng pasabog sa may Baghdad International Airport at kabilang sa mga napatay ang Iranian general na si Qasem Soleimani.

Dahil sa pagpatay kay Soleimani, tumindi ang tensiyon sa pagitan ng Amerika, na umako sa pagsabog, at Iran.

Bukod sa mga OFW na maaaring maapektuhan ng tensiyon, makatutulong din ang isang department para sa OFWs sa mga kaso gaya ng kay Jeanelyn Villavende, ang domestic helper na pinatay umano ng kaniyang among Kuwaiti.

Kasalukuyang nakahain sa Kamara ang House Bill 5832, na bubuo sa department para sa mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa.

Sinimulan nang pagdebatehan sa plenaryo ang panukala bago magbakasyon para sa Pasko ang mga kongresista.

Nakabinbin naman sa Senate committee on labor ang bersiyon ng panukala sa Senado, na inihain ni Sen. Manny Pacquiao.

KARAGDAGANG TRABAHO SA PILIPINAS

Pero para kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, walang masyadong maitutulong sa mga Pinoy ang panukalang ahensiya kung magkagiyera sa Middle East dahil ang tunay na solusyon ay ang paggawa ng maraming trabaho sa Pilipinas.

"Addressing their demands for stable jobs and just wages in the Philippines is what they want so that they do not have to be exposed to dangerous situations like what is happening now in the Middle East," ani Gaite.

Nauna nang inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang militar na paghandaan ang posibilidad ng pag-evacuate ng mga Pinoy sa Middle East sakaling tumindi ang tensiyon sa pagitan ng Amerika at Iran.

May 1,600 Pinoy sa Iran at 6,000 naman sa Iraq, ayon kay Defense Spokesperson Arsenio Andolong.

Ayon naman kay 1-PACMAN party-list Rep. Eric Pineda, mainam na isang ahensiya na lang ang aasikaso sa lahat ng kailangan ng mga OFW sa halip na 5 hanggang 6 na ahensiya ngayon.

Watch more on iWantTFC

MILITAR, PULISYA NAKAALERTO

Nakaalerto naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para tiktikan kung aabot sa Pilipinas ang mga karahasang pinangangambahan kasunod ng pagpatay kay Soleimani.

Ayon kay PNP officer in charge Lt. Gen. Archie Gamboa, nais ni Duterte na maging alerto ang intelligence monitoring para malaman kung maaapektuhan ang bansa sa kaguluhang posibleng idulot ng away ng Amerika at Iran.

Wala pa namang natitiktikan sa Pilipinas na sumisimpatiya sa laban ng Iran pero hindi nagwawalang-bahala ang mga awtoridad, ayon kay AFP chief of staff Lt. Gen. Felimon Santos Jr.

Pinag-aaralan na rin ng militar ang pagpapadala ng C-130 ng Philippine Air Force, na susundo sa mga Pinoy sa Iran, base na rin sa utos ni Duterte. -- Ulat nina RG Cruz at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.