Lalaking umaming pumatay sa 11 anyos sa Batangas, patay matapos umanong paghigantihan

Dyan Loquellano, ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2020 07:24 PM

Patay ang isang lalaking suspek sa pagpatay sa isang 11 anyos na babae sa Bauan, Batangas matapos umanong gantihan ng mga "sympathizer" ng biktima.

Disyembre 23 nang huling makitang buhay ang biktima na mangangaroling lang sana noon. Natagpuan ang bangkay niya sa may creek sa Barangay Bolo noong Disyembre 24.

Noong Disyembre 29, umamin ang suspek na si Alvin Sajer na siya ang pumatay sa biktima. Pansamantala siyang nakalaya noong Enero 2 matapos umanong sabihin ng piskalya na may dapat pang linawin sa kasong murder na isinampa ng pamilya ng biktima at ng pulisya.

Pero bago pa man makauwi sa kanilang bahay sa Barangay San Roque, hinarang ng dalawang sasakyan ang tricycle at dinukot ng armado at naka-bonnet na mga lalaki si Sajer.

Enero 3 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Sajer sa Barangay Manghinao sa Bauan. Nagtamo ito ng 16 na tama ng bala sa katawan.

Ayon sa pulisya, maaaring ipinaghiganti ng mga salarin ang batang bitkima nito.

"Sa ngayon po hindi naman tumitigil ang ating kapulisan may mga tinututukan na rin tayong tao lalong lalo na yung mga sympathizers ng mga biktima ni Alvin," paliwanag ni Police Major Ernesto Chavez.

Nakatakdang ilibing si Sajer sa Huwebes.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima ni Sajer ngunit wala ang mga ito sa bahay nila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.