Bangkay ng sanggol natagpuan sa CR ng fast food sa Batangas City

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2020 07:59 PM | Updated as of Jan 06 2020 11:21 PM

Isang bangkay ng sanggol na inilagay sa kahon ng sapatos ang natagpuan sa loob ng isang fast food restaurant sa Barangay Calicanto, Batangas City.

Sabado ng tanghali nang nakita ng isang crew ang kahon sa palikuran ng fast food. Dahil walang naghanap na may-ari ng kahon, inilagay muna nila ito sa opisina ng manager.

Pero Linggo ng gabi, umalingasaw na ang masangsang na amoy sa loob ng fast food, kaya nitong Lunes ng umaga ay binuksan na ng crew at guwardiya ang kahon.

Dito na nila nakita ang isang lalaking sanggol na tinatayang nasa lima hanggang anim na buwan.

May mga diaper at tissue rin na nasa loob ng kahon na binalot ng tape at nakasilid sa pulang paper bag.

Ayon kay Police Executive Master Sergeant Nena Garcia ng Batangas City Police Station, Lunes ng umaga rin ibinigay sa kanila ang nasabing kahon.

Nagpaalala naman ang pulisya sa mga establisyemento na agad iulat sa awtoridad ang mga iniwang gamit sa kani-kanilang mga tindahan para matiyak ang kanilang seguridad.

"Kapag po meron kayong kahina-hinala na naiwan doon sa inyong store, puwede po ninyong tingan. If hindi ninyo po titingnan, puwede naman pong i-report dito o sa tamang ahensya kung ano po 'yung mga bagay na naiwan sa kanilang store," ani Garcia.

Dinala na sa punerarya ang labi ng sanggol. Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.