3 mountaineers, nawawala sa Mt. Balatukan Trails sa Misamis Oriental

Lorilly Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2020 11:45 PM

BUTUAN CITY - Pinaghahanap na ng mga tauhan ng Gingoog City Disaster Risk Reduction and Management Office at Philippine Army ang tatlong mountaineers na taga Nasipit, Agusan del Norte.

Ayon sa Gingoog Police, Enero 3 nang umakyat sa Mount Balatukan Trails sa Misamis Oriental ang ang 13 mountaineers mula sa Caraga. Pero 10 lang ang nakababa sa Gingoog City nitong Lunes.

Pinaniniwalaang nawala ang tatlo nang makaranas ng masamang panahon sa nasabing bundok.

Dagdag pa ng pulisya, walang koordinasyon sa kapulisan at sa lokal na pamahalaan ang grupo nang sila'y umakyat sa bundok.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Gingoog CDRRMO ang mga mountaineers na unang nakababa habang hinahanap pa ang tatlong nawawala.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.