Failon Ngayon: Pampaganda 2019

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2019 12:12 AM

Watch more on iWantTFC

New year, new you. Ito na naman ang ating mga kababayan, kanya-kanya na naman ang #bodygoals. May gustong pumayat after the holiday season at meron ding gustong mag-look better.
Healthy living nga ang gustong karerin sa 2019 ni Rizza Leah Ferrer, dahil kasi sa lifestyle at trabaho ay hindi na niya mapigilan ang pagtaba. Pero ang siste ang mga sinubukan nyang slimming products noon, hindi hiyang sa kanya. Ngayon, gusto naman daw niyang masubukan ang talab ng slimming pills.

Ayon sa isang dietician na si Dr. Ellesmere Bacabac, hindi naman daw masama ang pagnanais na maging maganda sa paningin ng iba. Paliwanag niya: “Nahuhumaling ang mga tao sa slimming products, lalo na ’yung mga common ngayon coffee, tea, pills. Kasi ’yun ang pinaka-promising dahil sa mundo ngayon na mabilisan lahat, ganu’n din ’yung pagkagusto na mabilis din i-lose ang weight, kaya very enticing, iinom ka lang papayat ka na.”

Kaya sa merkado, partikular sa mga social media, samu’t saring sellers ang nag-aalok nito. Iba’t iba ang pangako nang pagtatapyas ng timbang mo at hindi nga lang sa mga slimming products nahuhumaling ang ilan sa ating mga kababayan dahil pati nga sa pagpapalaki ng hinaharap at ng likod ay in na in din.

Ayon sa vlogger na si Regina Macapagal kahit confident siya sa kanyang katawan ay game na game pa rin siya sa paggamit ng sabong ito. Sa lagpas isang buwan niyang pagsasabon ng hinaharap, lumaki raw ito.

Gusto mo bang pumayat? Gusto mo bang gumanda ang katawan? Aba’y hindi mo na nga kailangang pumunta sa botika o sa tindahan para makabili ng mga pampa-seksing produkto dahil nakatambad na mismo sa inyong mga computer at cellphone ang mga nag-aalok nito.

Dahil sa nagsulputan ang nagsasabing epektibo ang nasabing sabon, marami na rin ang nagnenegosyo nito. Pero ang siste, hindi ibig sabihing sikat at epektibo ay dapat mo nang patusin agad-agad. Lalo na’t ayon sa Food and Drug Administration (FDA), ilan sa mga binebenta ay hindi naman rehistrado.

Paliwanag dito ni Atty. Katherine Austria-Lock, officer in charge ng Center for Drugs Regulation and Research ng FDA: “Hindi po namin ito nirerekomenda ang lagi naming binabalikan ay ang gamitin lamang na produkto na nirerehistro sa FDA. Kapag po hindi ito dumaan sa FDA ay hindi po mai-insure ang safety ng mga consumer. Para sa mga advisories namin meron na kaming nailabas sa mga slimming pills, pero para sa doon ilalabas pa lang po naming ang advisories. Pinapaalalahanan natin ang atin mga consumer na kapag ang claim ng produkto ay ‘too good to be true’ o mangangako na papayat kayo agad kapag ininom na ’yun produktong ito malamang ito hindi ito totoo, ang mas maigi po ay kumonsulta sa doktor kung ano ang dapat gawin.”

Magduda na nga rin daw kung sa packaging pa lamang ay kahinahinala na. Para naman sa consumer group na Bantay Konsumer, Kalsada, Kuryente dapat daw ay mas maging mahigpit ang FDA sa pagpapatupad ng kanilang mga regulasyon. Hindi ’yung nandyan na tsaka lang sila aaksyon.

Kaya si Rizza, hindi na raw basta-basta papatol sa mga nangangako ng instant pagpayat sa kanya. Doon na lang daw siya sa epektibo pero nasigurong produkto.


___


Abangan ang mga isyung lahat tayo may pakialam sa FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng "I Can See Your Voice"
alas-11 ng gabi sa ABS-CBN.

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas-2 ng hapon.

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph