200 pamilya nasunugan ng bahay sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2019 12:22 PM | Updated as of Jan 06 2019 07:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - May 200 pamilya ang nangangailangan ng tulong matapos nawalan ng tirahan sa isang sunog sa Brgy. Manresa, Quezon City nitong Sabado.

Pasado 11:20 p.m. nang magising na lang ang mga residente ng Mauban St. at Dagot St. na malaki na ang apoy sa kanilang looban .

Mabilis na kumalat ang apoy dahil dikit-dikit ang mga kabahayan na gawa ang karamihan sa mga materyales na madaling magliyab. Agad itinaas sa ikalimang alarma ang sunog.

Nagkukumahog na lumabas ang mga residente habang ang iba naman ay pinilit pa nilang isalba ang kanilang mga gamit.

Base sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, sa ikalawang palapag ng bahay ng isang Paquito Dahotoy nagsimula ang sunog.

Isang daang kabahayaan ang natupok at naiwang walang tirahan ang nasa dalawang daang pamilya na ngayon ay pansamantalang inilipat sa basketball court, multipurpose hall at baranggay hall ng Brgy. Manresa.

Nanawagan naman ng tulong ang mga opisyal ng barangay.

"Sa ngayon mga pagkain muna, banig tulugan mga damit damit d'yan," ayon kay Manresa Barangay Chairman Arturo Tambis.

- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.