Suspek sa panghoholdap ng gotohan sa Parañaque, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2018 10:25 PM | Updated as of Jan 07 2018 12:07 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Arestado ngayong Sabado ang isa sa apat na armadong lalaking nangholdap sa isang gotohan sa Parañaque noong Huwebes.

Ayon kay National Capital Region Police chief Oscar Albayalde, dinala sa ospital si Jesrell Arador matapos magtamo ng sugat sa braso nang mahulog umano siya sa isang bahay sa Barangay Antonio habang nakikipaghabulan sa mga umaarestong pulis.

Nakuhanan ang suspek ng kalibre-.38 na baril. Itinanggi rin niya ang paratang sa kaniya kahit siya ang itinuturo ng mga testigo.

Patuloy naman ang pagtugis ng pulisya sa tatlo pang sangkot sa krimen.

Ayon kay Parañaque Police chief Leon Rosete, target niyang masunod ang utos ni Albayalde na mahuli ang 4 na kawatan sa loob ng 48 oras.

Natangay ng mga suspek ang nasa P30,000 halaga ng pera at kagamitan mula sa tindahan at kustomer. —Ulat ni Raffy Santos at Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.