Kahoy na may halagang P80k, kumpiskado sa Maguindanao

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2017 05:45 PM

Hanggang nitong Biyernes ay wala pa ring umaangkin sa isang bangkang inabandona sa pampang ng isang barangay sa Maguindanao, na naglalaman ng tablong nagkakahalagang mahigit P80,000.

Karga ng isang bangka ang 143 pirasong tablong mula sa kahoy na lawaan, na pinigil ng Philippine National Police (PNP) at lokal na pamahalaan sa bayan ng Datu Blah T. Sinsuat, Maguindanao.

Disyembre 23 nang una itong mamataan ng PNP, Marines, at mga opisyal sa pampang ng Barangay Pura. 

Inabandona na umano ang kahoy, na umaabot sa 4,125 board feet, at nagkakahalagang P80,000-P100,000, ng mga tripulante.

Ibinigay na ng mga opisyal sa Datu Blah T. Sinsuat ang nakumpiskang kahoy sa Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng Maguindanao para matukoy ang nagmamay-ari nito.

“Inaalam pa natin kung sino ang may-ari ng mga kahoy,” ani Doming Dagadas ng PENRO Maguindanao.

Dagdag ni Dagadas, kanila ring tinutuklas kung saang lugar pinutol ang mga kahoy na nakumpiska.

Lumalabas sa imbestigasyon na galing umano sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat ang mga kahoy, at dadalhin sana sa Datu Blah T. Sinsuat nang mamataan ng mga otoridad.

Ayon kay Dagadas, kasalukuyang may total logging ban sa ARMM.

Kapag wala umanong aangkin sa mga kahoy at walang maipakitang papeles para dito ay ibibigay na lang ito ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Department of Education (DepEd) upang gawing mga upuan, mesa, at bilang materyales sa pagsasaayos o pagkumpuni ng mga silid aralan sa rehiyon.