PatrolPH

Western Visayas naitala ang mga unang kaso ng COVID-19 omicron variant

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2022 01:23 PM | Updated as of Jan 05 2022 01:31 PM

Bacolod City Hall. ABS-CBN News/File
Bacolod City Hall. ABS-CBN News/File

Naitala na ng Western Visayas ang mga unang kaso nito ng mas nakahahawang omicron variant ng COVID-19 kasabay ng mga paghahanda sa ibang rehiyon sa posibleng pagsipa ng mga kaso ng sakit.

Sa Bacolod City naitala noong Martes ang kauna-unahang omicron case sa Western Visayas, sa isang 38 anyos na returning overseas Filipino na dumayo sa lungsod.

Galing umanong Amerika ang lalaking crew ng isang cruise ship at pinuntahan ang misis niyang nagtatrabaho sa Bacolod.

Napag-alamang Disyembre 15 pa dumating sa bansa ang lalaki, na nagpositibo sa COVID-19 sa ika-5 araw niya ng quarantine.

Nakumpleto naman niya ang mandatory isolation at quarantine requirement sa Maynila, at nag-negatibo na rin sa RT-PCR test bago lumipad pa-Bacolod City.

Ayon sa Bacolod city government, hindi ito local case at nagkataong late lang lumabas ang genome sequencing result sa sample ng lalaki.

Nang muling sumalang sa RT-PCR test ang lalaki habang nasa Bacolod, positibo ulit sa COVID-19 ang kaniyang resulta.

Hinihintay na ngayon ang swab test result ng misis ng omicron case.

Sa Iloilo City naman naitala ang ikalawang kaso ng variant sa rehiyon, sabi ngayong Miyerkoles ni Mayor Jerry Treñas.

Watch more News on iWantTFC

Ayon sa ulat ni Treñas, taga-Arevalo, Iloilo City ang 46 anyos na seafarer na galing Kenya.

Dumating ang seafarer sa Cebu noong Disyembre 15 at nag-positibo sa RT-PCR test noong ika-5 araw ng quarantine.

Tinapos ng seafarer ang quarantine at nakauwi sa Iloilo City noong bisperas ng Pasko.

Pero noong Disyembre 27, muling nagpa-test ang seafarer at nagpositibo sa COVID-19. Lumabas noong gabi ng Martes ang resulta ng genome sequencing, na nagpakitang positibo siya sa omicron variant.

Nasa quarantine facility ng lungsod ngayon ang lalaki, na asymptomatic naman.

Samantala, naghahanda naman ang Davao city government sakaling muling tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.

Ayon kay Davao Mayor Sara Duterte, inihahanda na ang mga quarantine facility at ospital sa lungsod.

Bukas na rin aniya ang COVID-19 cluster clinic na nag-aalok ng 24-hour assistance sa lahat ng COVID concerns tulad ng libreng swabbing, contact tracing, consultation, pagpapagamot at quarantine.

Sa Mati City, patuloy namang pinalalakas ang pagbabakuna kontra COVID pati ang pagbibigay ng booster shots.

Sa Zamboanga City, paiigtingin umano ng local government unit ang COVID-19 response, lalo't dinadayo ang lungsod ng mga taga-ibang probinsiya.

Hinikayat ni Zamboanga Mayor Beng Climaco ang mga residenteng bumuo ng "family bubble" at patuloy na sumunod sa health protocols.

Ipinagpapalagay ngayon ng Department of Health na nasa mga komunidad na ang omicron variant sa harap ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sa huling tala, may 14 kaso ng omicron variant nang naitatala sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.