Pinakamalaking paaralan sa Bato, Catanduanes hirap makabangon matapos ang bagyo

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2021 01:57 PM | Updated as of Jan 05 2021 07:02 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Marami pa ring kinakaharap na hamon ang Bato Rural Development High School sa Catanduanes kahit ngayong Bagong Taon, ayon sa principal nito ngayong Martes.

“Emotionally, we're affected. Financially, yung mga guro kasi nasiraan din po kaya nangangailagan din kami ng tulong sa organizations, alumni at saka sa iba pang mga tao para matulungang makabangon ang Bato Rural Development High School, lalo na sa pag-repair ng mga buildings,” sabi ni Sonia Prensader, principal ng Bato RDHS.

Isa ang kanilang paaralan sa mga nadalhan ng Bayan Mo iPatrol Mo, sa pamamagitan ng proyektong “Papel Mo sa Kinabukasan Ko”, ng 50 reams ng coupon bond para sa kanilang modules.

Buwan ng Nobyembre ng nakaraang taon nang bayuhin ng super typhoon Rolly ang Catanduanes. Sa bayan ng Bato unang landfall ang naturang bagyo. 

“Nakakalungkot kasi talagang damaged yung aming paaralan. ‘Di namin alam kung paano kami babangon,” sabi niya.

Bukod sa nawasak na paaralan, nasira din ng bagyo ang kanilang modules at iba pang materyales.

“November, nag-issue ng executive order yung provincial governor na suspended po muna yung klase. Pero lifted na po starting Monday next week. Mag-uumpisa na yung modular learning,” sabi ni Prensader sa panayam sa TeleRadyo.

Ang Bato RDHS ang pinakamalaking paaralan sa naturang bayan, kung saan pumapasok ang pinakamalaking porsiyento rin ng mag-aaral sa lugar.

Kulang na kulang ang 52 nilang classroom para sa halos 1,800 estudyante.

Pero kahit may mga papel na, kulang pa rin sa printers at wala pa ring supply ng kuryente sa kanilang paaralan.

“Sa mga barangay po, wala pa. Sa Poblacion pa lang po, sa sentro ng Bato. Ang initial plan namin may gen set kaming gagamitin. Saka humingi rin kami ng printers sa LGU. On process din po, baka sa susunod na linggo,” sabi niya.

Sakaling hindi ma-deliver ang pina-print ng division na modules, ibibigay muna nila sa mga bata ang tinatawag nilang learning activity sheets para makapagsimula ulit.

 RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC