Lalaki patay sa pamamaril sa Quezon City

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2021 05:57 AM

MAYNILA - Patay ang isang lalaki sa Batasan Hills, Quezon City matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin Lunes ng gabi.

Bandang alas 9 kagabi nang marinig sa Kalayaan Street ang magkakasunod na putok ng baril.

Kinilala ang biktima na si Nakila Nazareno.

Hindi makapaniwala ang mga kaanak sa nangyari lalo’t wala silang alam na kaaway ng biktima.

Ayon kay Michael James Nazareno, walang trabaho ang kanyang pinsan at lumalabas lang ng bahay tuwing nagtatapon ng basura.

Ito ang pagkakataon na maaaring nakita ng mga suspek ayon sa mga taga-barangay na unang rumesponde sa insidente.

Dagdag pa ni Winky Dela Rosa na isa sa mga kagawad sa barangay, wala rin sa drugs watchlist ng barangay si Nazareno.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang riding-in-tandem na salarin at ang motibo sa pagpatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.