Traslacion 2020: Mga deboto nagsimula nang dumagsa sa Quiapo Church

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2020 06:21 PM | Updated as of Jan 05 2020 07:38 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Nagsimula nang dumagsa ang mga deboto ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church nitong weekend, ilang araw bago ang Traslacion sa Huwebes.

Isa rito si Patricia Tenorio, na isinama ang kaniyang kapatid sa pagpunta sa Minor Basilica of the Black Nazarene, o mas kilala bilang Quiapo Church.

"Taon-taon nandito ako kasi may mga kahilingan akong natutupad," ani Tenorio.

"Mayroon akong anak na may bisyo. Ngayon, gusto ko sana hilingin na magbago, gumaling," sabi naman ng debotong si Melencia Sanayon.

Dumagsa rin sa simbahan noong gabi ng Sabado ang iba-ibang samahan ng mga deboto, bitbit ang kanilang mga banner para pabendisyunan.

Samantala, muli namang nakiusap ang pamunuan ng Quiapo Church na iwasan na ang pagdamba at sampa sa andas na sasakyan ng imahen ng Itim na Nazareno sa Traslacion.

Para kay Joner Condino, isang deboto at seaman, puwede namang pagbigyan ang pakiusap ng simbahan para na rin sa kaligtasan ng mga taong nakikiisa sa prusisyon.

"Siguro naman sa pagkakaisa ng mga namamanata dito sa Ama, masusunod naman po para sa kaligtasan ng lahat," ani Condino.

Pinakiusapan din ng pamunuan ng simbahan ang mga deboto na makiisa sa mas pinaikling ruta ng prusisyon.

Pinalinis naman ni Manila Mayor Isko Moreno ang Quiapo.

Tuwing Sabado at Linggo na lang pinapayagan ang mga nagtitinda sa paligid ng simbahan.

Apektado rito ang tindera ng kandilang si Estrelita Grau, na ipinambibili ng gamot para sa kaniyang sakit ang kita.

Pero didiskarte pa rin aniya siya a Traslacion.

"May maintenance ako, naggagamot ako, may sakit ako, hindi naman ako humihingi sa pamilya ko," ani Grau.

"Kapag simpleng araw, uupo kami diyan, nag-aabang ng suki," aniya.

Umaabot sa daan-libong deboto ang nakikilahok sa taunang prusisyon, na mag-uumpisa sa Quirino Grandstand hanggang sa maiuwi ang imahen ng Itim na Nazareno sa simbahan. -- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.