Screening sa mga biyahero pinaigting dahil sa 'misteryosong sakit mula China'

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2020 02:52 PM | Updated as of Jan 05 2020 05:46 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE) — Ipinag-utos ng Department of Health (DOH) sa mga tauhan ng Bureau of Quarantine (BOQ) na paigtingin ang pag-screen sa mga biyaherong pumapasok ng bansa kasunod ng mga ulat ukol sa isang misteryosong sakit mula China.

Nakaalerto umano ang BOQ at binabantayan ang mga port para sa mga biyaherong makikitaan ng lagnat at mga sintomas ng respiratory infection.

"I urge the public, especially those with history of travel from China, to seek immediate medical consult if experiencing any flu-like symptoms," sabi ni Health Secretary Francisco Duque III.

Tiniyak naman ni Health Undersecretary Eric Domingo na walang dapat ikabahala ang publiko kaugnay ng pinaigting na pagbabantay sa mga biyahero.

Nagiging cautious o maingat lamang ang bansa kaya pinatindi ang screening, ani Domingo.

Ibinaba ang utos kasunod ng ulat ng pagkalat ng isang misteryosong sakit sa Wuhna, China na maihahalintulad umano sa pulmonya.

Sa loob lamang ng 2 linggo, umabot sa 44 ang naopsital matapos makitaan ng mga sintomas na nauwi sa pulmonya, ayon sa ulat ng Wuhan Municipal Health and Health Commission sa China.

Wala pang napaulat na namatay dahil sa sakit.

Sinasabing nagkaroon ng exposure ang mga pasyente sa isang palengke sa Wuhan pero hindi malinaw hanggang ngayon kung paano nakuha ang hindi pa matukoy na klase ng virus.

Iniimbestigahan na rin ng mga awtoridad sa China ang pagkalat ng sakit kasunod ng mga haka-hakang may kinalaman ito sa severe acute respiratory syndrome (SARS), isang virus na pumatay sa daan-daang tao noong 2000s.

-- May ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.