40 bahay nasunog sa Cebu City

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2020 12:30 PM

Aabot sa 40 bahay ang naabo matapos tamaan ng sunog ang isang residential area sa Cebu City noong gabi ng Sabado, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Bandang alas-9:54 nang makatanggap ng ulat ang Cebu City Fire Department ukol sa mga nasusunog na bahay sa likod ng T. Padilla Public Market sa Barangay T. Padilla.

Isang senior citizen naman ang nagtamo ng second-degree burns dahil hindi raw agad siya nakalabas ng kaniyang bahay dahil sa kapal ng usok.

Dahil makitid ang mga daan patungo sa nasunog na lugar, hindi agad nakalapit ang mga bombero at kinailangan pang magdugtong-dugtong ng mga hose.

Idineklarang under control ang sunog bandang alas-11:03 ng gabi.

Nagsimula ang sunog sa isang inuupahang bahay, ayon sa imbestigasyon ng BFP sa Cebu City.

Kasalukuyang tumutuloy sa gym ng barangay ang mga biktima ng sunog.

-- Ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.