3 patay, 3 sugatan sa pamamaril sa Cotabato

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2020 09:53 PM

MATALAM, Cotabato - Tatlo ang patay habang tatlo rin ang sugatan matapos pagbabarilin ang bahay ng pamilya Getalla ng mga di pa nakikilalang salarin sa Barangay Poblacion, Matalam, Cotabato Sabado ng gabi.

Namatay sa insidente ang mag-asawang sina Joe Getalla at Ernesta Getalla, kapwa 70 anyos. Patay rin ang kanilang anak na si Lorena Getalla, 40 anyos.

Sugatan ang tatlo pang kaanak na sina Jose Getalla, Emelita Getalla at Daryl Getalla na nasa katabing bahay.

Ayon kay Matalam Police Chief Police Major Brian Placer, naghahapunan ang mga biktima nang biglang paulanan ng bala ang kanilang bahay ng mga hindi pa kilalang salarin.

"Si Daryl ang target tapos 'yung bahay kung saan ang mga matatanda, bahay niya 'yun. Parang nag-swap sila, doon niya pinatulog ang nanay niya si Lorena pati 'yung mga matatanda, tapos siya doon sa katabing bahay," paliwanag ni Placer.

Nakuha sa crime scene ang 11 basyo ng bala ng M-16.

Sa ngayon patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo ng krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.