27 pamilya sa Tanauan City, nawalan ng tirahan dahil sa sunog

Dyan Loquellano, ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2020 04:20 PM | Updated as of Jan 05 2020 05:48 PM

Watch more in iWantTFC

TANAUAN CITY -- Nasa 27 pamilya ang pansamantalang nakikisilong sa kanilang mga kamag-anak matapos matupok ng apoy ang kanilang mga tirahan sa Pedro Carandang Street sa Barangay 3, Tanauan City pasadao alas-10 Sabado ng gabi.

Ayon kay Nelson Landicho, isa sa mga nasunugan, nagsimula ang apoy sa isang bahay na walang nakatira.

Tatlong beses na umano nasusunugan ang lugar sa loob ng dalawang taon pero hindi na nila naagapan ang sunog kagabi dahil bukod sa gawa sa light materials ang karamihan sa mga bahay, malakas ang ihip ng hangin kaya mabilis na kumalat ang apoy.

Ayon sa Tanauan City Fire Station, 6 na bahay ang naabo sa sunog, habang 3 naman ang bahagyang nasunog.

Dagdag pa nila, umabot sa ikatlong alarma ang sunog na patuloy pang iniimbestigahan ang pinagmulan.

Bandang 12:07 ng madaling araw nitong Linggo nang ideklarang fire out na ang sunog.

Walang nasaktan o nasawing residente pero tinatayang nasa P2 milyon ang halaga ng pinsala ng sunog.

Ayon naman kay Tanauan City Mayor Sweet Halili, agad na nagpadala ng pagkain ang lokal na pamahalaan sa mga biktima ng sunog na karamihan ay paggawa ng puto ang ikinabubuhay.

Tiniyak rin ng alkalde na tutulungan ng pamahalaan ang mga biktima para muling makapag-umpisa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.