Pamilya Batocabe, di tanggap ang sorry ng sumukong gunman

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2019 05:08 PM | Updated as of Jan 05 2019 05:24 PM

Sumuko nitong Sabado sa pulisya ang dalawa pang suspek na idinadawit sa pagpaslang kay Ako Bicol party-list representative Rodel Batocabe.

Kinilala ang dalawa bilang sina Rolando Arimando at Danilo Muella.

Rebel returnee umano si Arimando na nagsilbing lookout at back-up gunman, habang si Muella naman ang bumili ng dalawang baril na ginamit sa pagpaslang sa kongresista, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde. 

Bukod sa kanila, hawak na ng PNP ang apat pang suspek na sina Christopher Naval, Emmanuel Rosello, Jaywin Babor, at ang main gunman na si Henry Yuson. 

Samantala, hindi pa rin sumusuko ang itinuturong mastermind na si Daraga Mayor Carlwyn Baldo, matapos niyang igiit na wala siyang kinalaman sa pagpatay kay Batocabe. 

Nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo ang alkalde.

Nakatakda sanang kalabanin ni Batocabe si Baldo sa pagkaalkalde sa parating na halalan sa Mayo. 

GUNMAN DI PINATAWAD

Samantala, hindi tinanggap ng pamilya Batocabe ang paghingi ng tawad ni Yuson , na kinatwirang napag-utusan lamang siya.

Sinabi ng anak ni Batocabe na si Atty. Justin Batocabe na kailangang harapin ni Yuson ang parusa sa kaniyang ginawa.

"Dahil sa pera nagawa niya hong pumatay... Hindi po namin tinatanggap po," aniya sa panayam ng DZMM. 

Kumontra din siya na gawing state witness si Yuson at irerekomenda na huwag itong mabigyan ng ano mang pabuya sa kaniyang pagsuko. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.