PatrolPH

LTFRB sinigurong tuloy ang pamamahagi ng fuel subsidy cards sa 2019

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2019 09:40 PM

Watch more on iWantTFC

Siniguro ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itutuloy nila ang pamamahagi ng mga fuel subsidy card sa mga tsuper at operator ng mga pampasaherong jeep ngayong 2019.

Ito ay matapos idaing ng ilang tsuper at grupo ang nalalapit na pagpataw ng excise tax sa presyo ng petrolyo, alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Inaasahan din kasi ang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo dahil sa batas.

Iginiit ni Stop and Go coalition president Jun Magno na mas kailangan nila ang suporta ng pamahalaan lalo na't sapat lamang ang kanilang kinikita para sa mga araw-araw na gastusin.

"Tataas ang diesel, tataas ang pamasahe, hindi naman bumababa ang [presyo ng] maintenance [ng sasakyan]," aniya.

May P20,000 ayuda ang mga tatanggap ng card ngayong 2019.

Sa ngayon, 73,017 sa 171,836 benepisyaryo pa lamang ang nabigyan ng fuel card.

Para mapabilis ang pamamahagi, nakiusap ang LTFRB sa Landbank na payagan na kahit mga kinatawan ng operator na kunin ang card.

"We asked Landbank that by way of a special power of attorney para kahit representative ay pwede nang kumuha [ng card]," ani LTFRB Chairman Martin Delgra.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.