3 patay, 4 huli sa Bulacan buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2019 09:30 AM | Updated as of Jan 05 2019 09:33 AM

BULACAN - Patay ang 3 lalaki habang arestado ang 4 na iba pa sa buy-bust operation sa Barangay Sto. Cristo, San Jose del Monte, Bulacan Sabado ng madaling-araw.

Kinilala ang mga namatay na sina Roger Polonan at George Abellanosa na parehong nasa drugs watch list. Wala pang pagkakakilanlan ang isa pang nasawi.

Ayon kay Senior Supt. Chito Bersaluna, director ng Bulacan police, nagpaputok umano ang mga suspek nang mahalata na pulis ang kanilang katransaksiyon.

Sinubukan pa umanong tumakas ni Polonan sakay ng motorsiklo pero nahulog ito sa creek dahil may tama na ng bala. Narekober sa kanila ang kalibre .38 na mga baril.

Naaktuhan din umano ng mga operatiba ang 3 lalaki at 1 babae sa isang drug session sa bahay ni Polonan. Nakuha sa grupo ang 4 na pakete ng hinihinalang shabu.

Mahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.