16 natabunan ng landslide sa Sagñay, Camarines Sur patuloy na pinaghahanap

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2019 04:10 PM

Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa 16 pang natitirang tao na umano'y nabaon sa gumuhong lupa sa Sagñay, Camarines Sur noong nanalasa ang bagyong Usman. Retrato mula kay Rizza Mostar, ABS-CBN News


Patuloy ang paghahanap ng mga awtoridad sa 16 pang natitirang natabunan ng gumuhong lupa sa Sagñay, Camarines Sur noong nanalasa ang bagyong Usman ilang araw bago mag-bagong taon.

Kasama dito ang mga magulang, kapatid, at pamangkin ng residenteng si Sandy Malaguiño.

"Wala na akong magagawa kung hindi tanggapin na wala na sila," malungkot na kuwento ni Malaguiño.

Kahit puspusan ang paghahanap ng Bureau of Fire Protection-Special Rescue Unit, aminado silang nahihirapan na sila.

"Mahirap kasi 'yung lalim pero susubukan pa rin natin," ani Insp. Dan Romulo Caceres, hepe ng Special Rescue Unit-Region V.

Nasa 147 na pamilya ang inilikas na mula sa tatlong sitio ng Barangay Patitinan, kung saan naganap ang pagguho.

Pero sa kabila ng nangyari, marami pa rin ang nagpaiwan o nais bumalik sa lugar.

Ayon sa lokal na pamahalaan, marami silang tulong na nakuha mula sa iba't ibang sektor. Retrato mula kay Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bumubuhos naman ang tulong mula sa iba't ibang sangay ng gobyerno, mga pribadong organisasyon, at indibidwal kaya malaki ang pasasalamat ng mga residente. 

Masayang naglalaro ang mga batang evacuees sa isang evacuation center. Retrato mula kay Rizza Mostar, ABS-CBN News

May sapat na pagkain, tubig, paliguan, tulugan, at maging libangan ng mga bata sa evacuation center, pero aminado ang lokal na pamahalaan na matagal pa ang hihintayin at marami pa ang dapat gawin bago tuluyang makabangon sa trahedya.

"May relocation site na sila, pero 'yung housing wala pa kaya nananawagan kami sa national government na tulungan pa kami," ani Sagñay LGU administrator Mariano San Felipe, Jr.

Nadadaanan na ang Sagñay-Tiwi road na konektado sa probinsiya ng Albay pero may malalaking bato sa itaas ng lupa na delikado pang gumuho kung umulan.

"Marami pang kailangan talaga munang i-clear," ayon kay Rene Zaragoza mula sa District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways.

Nitong alas-3 ng hapon ng Sabado ay pansamantalang itinigil muna ang retrieval operations para sa mga nawawala dahil sa landslide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.