'Unli' reelection ng mambabatas, puwede sa 'Cha-cha'

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2018 12:14 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kauupo pa lang ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 nang simulan ng kaniyang partidong PDP-Laban ang consultation meetings sa planong pederalismo. 

Sabi ni PDP-Laban Vice President for International Affairs, Atty. Raul Lambino, kailangan nilang mag-ikot para maipaintindi sa taongbayan kung bakit kailangan mag-Charter change (Cha-cha). 

"If there is no plebiscite to approve the new Constitution before May 2019, I doubt if we are still going to have enough time to discuss constitutional change between 2019 to 2022," ani Lambino.

Kasama ang limitasyon sa termino sa pinag-uusapan at karamihan ng taga-PDP-Laban, pabor na gawing limang taon ang termino ng pangulo na puwede pang humirit ng pangalawang termino.

Ang senador at kongresista, tiglimang taon din ang termino. Pero puwede silang paulit-ulit na manungkulan kung maihahalal.

Kaparehas nila ang magiging termino ng prime minister o punong ministro na kukuhanin mula sa Kamara.

Si Senate President at PDP-Laban President Koko Pimentel ayaw munang magbigay ng posisyon ukol dito hangga't wala pang gumugulong na panukalang batas. 

Pahayag ni Pimentel: "... No comment. Since wala pa namang 'nakataga sa bato' na proposal, each one is free to air his ideas."

Pero ayon kay Sen. Kiko Pangilinan na presidente ng Liberal Party, bulong-bulungan na wala nang halalan, kundi term extension sa pangulo, mga senador at kongresista.

Itatalaga na rin lang ng pangulo ang mga lokal na opisyal.

Posible ito, sabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez.

"Mayroon talagang possibility ng walang halalan kasi nga hinahanda mo doon sa transition government for federalism," sabi ni Alvarez.

Pero itinanggi ng Palasyo na gusto pang palawigin ni Duterte ang kaniyang termino.

"Walang pagnanais si presidente na pahabain pa ang kaniyang termino, gusto nga niya pong paikliin pa kung pupuwede," ani Atty. Harry Roque, tagapagsalita ni Duterte. 

Nanawagan naman si Albay Rep. Edcel Lagman sa publiko na makialam sa isyung ito.

Aminado kasi siyang kahit anong ingay nilang oposisyon sa Kongreso, matatalo pa rin sila sa bilangan.

"[If] there is a need for constitutional change, then the change should be effected by the people's choice," ani Lagman

Inaasahang tatalakayin na ang Cha-cha sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso sa Enero 15.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.