Endo? DSWD, dumepensa sa pagkalagas ng 1,000 empleyado noong 2017

ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2018 02:04 PM | Updated as of Jan 05 2018 02:55 PM

Sa tala ng Department of Social Welfare and Development-Cordillera Administrative Region (DSWD-CAR), nasa 1,020 empleyado nila ang natanggal noong 2017 dahil sa pagtatapos ng kontrata o "end of contract" (ENDO). 

Mga nawalang empleyado sa DSWD-CAR noong 2017:
273 - Contractual
648 - Cost of Service
98 - Job Order
1 - Casual

Paliwanag ng ahensiya, tapos na kasi ang ilan sa mga proyekto sa opisina ng DSWD-Cordillera Administrative Region.
    
Nasa P7 bilyon ang budget proposal para sa taong 2018 ng DSWD pero P5 bilyon lang ang naaprubahan.

Ayon sa DSWD, puwede namang mag-apply muli ang mga nawalang empleyado para sa panibagong kontrata lalo na kung maganda ang performance.
    
Ayon naman sa pamunuan ng Civil Service Commission-Cordillera, wala pang polisiya ang tanggapan ng Pangulo na nagbabawal sa kontraktuwalisasyon sa mga ahensiya ng gobyerno.    

Matatandaang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na wawakasan niya ang ENDO noong siya ang nangangampanya pa lang para sa halalan ng 2016.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.