6 na nagka-cara y cruz sa Taguig, arestado

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2018 05:13 AM

Arestado ang anim na lalaking naaktuhan umano ng mga pulis na naglalaro ng sugal na cara y cruz sa Gate 3, Barangay Fort Bonifacio sa Taguig Biyernes ng hatinggabi.

Ang mga nahuli ay dalawang jeepney driver na sina Nicanor Canlas, 53-anyos, at Nelson Villegas, 49-anyos; dalawang taxi driver na sina Rodrigo Baganting, 48-anyos, at Reynario Acdog, 46-anyos; at dalawang konduktor na sina Jefson Musa, 22-anyos, at Williard Baula, 31-anyos.

Ayon kay Senior Insp. Romel Bulan, hepe ng Taguig Police Community Precinct 7, nagsasagawa ng simultaneous anti-criminality law enforcement operation o SACLEO ang mga pulis sa Pasong Tamo Extension nang madaanan nila ang grupo sa mga kubo sa gilid ng tulay.

Narekober kay Musa at Baula ang kalibre .45 at kalibre .38 na mga baril sa mga shoulder bag nila.

Nadiskubre rin umano ng mga pulis sa mga shoulder bag ang 36 na identification card, ATM at shopping card mula sa iba't ibang tao na pawang mga babae.

Hinala ng pulisya, maaaring sangkot sa panghoholdap sa Taguig at Makati sina Musa at Baula.

Aminadong gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang mga nahuli pero itinanggi nila na naglalaro sila ng cara y cruz at sinabing nadatnan na lang sila ng mga pulis at dinampot.

Tinanggi naman nina Musa at Baula na kanila ang mga baril.

Mahaharap sa kasong paglabag sa anti-illegal gambling law ang anim, habang illegal possession of firearms ang dalawa.

Sinusubukan namang kontakin ng pulisya ang mga tao sa mga nasabat na I.D. para makilala nila ang mga suspek at posibleng kasuhan ng pagnanakaw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.