Bus, sinunog sa Sarangani

Anndrei Gulle, ABS-CBN News

Posted at Jan 06 2017 03:34 AM

Isang bus ang sinunog ng mga hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan sa Sarangani Province, Huwebes ng gabi.

Ang bus na pagmamay-ari ng Yellow Bus Line Inc. ay sinunog umano sa Purok Yakal, Sitio Linek, Barangay Lanus, Kiamba.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga otoridad, papuntang Maitum, Sarangani ang nasabing bus mula General Santos City, at may sakay na 19 pasahero.

Pumara umano ang isang pasahero ng bus, at nang huminto ito ay nilapitan ng mga suspek na may dalang kerosene.

Pinababa ang mga sakay ng bus bago ito sinilaban ng mga lalaki, kaya’t walang naiulat na nasaktan sa insidente.

Inaalam pa ng mga otoridad ang motibo sa panununog ng bus, at kung may kinalaman ito sa pagkamatay ng lider ng grupong Ansar al-Khilafah in the Philippines (AKP) na si Mohammad Jaafar Maguid alias "Tokboy" sa Kiamba, Huwebes ng umaga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.