Batang babae na naiwan sa kotse patay

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jan 05 2017 01:53 PM


MANILA- Wala nang buhay nang makita sa loob ng sasakyan ang isang walong taong gulang na babae sa Baseco, Tondo matapos itong maiwan sa kotse.

Labindalawang oras na hinanap ng mga magulang ang batang si Janna Jacobe ngunit matigas na ang katawan at nangingitim na ang mga labi nito nang matagpuan siya ng kanyang tiyuhin sa loob ng sasakyan.

Ayon sa tiyahin ni Jacobe na si Joan Papa, alas siyete ng gabi noong Martes nang hiramin nila ang kotse ng kanyang bayaw para gamitin sa pamamasyal.

Nakauwi ang pamilya alas tres ng madaling araw kinabukasan at napansin lamang na wala si Jacobe paggising nila bandang mga ala-siete ng umaga.

“Wala talaga kaming nakitang naiwan. Baka naglaro lang sa kapitbahay,” ani Papa.

Buong araw na hinanap ng mag-asawa si Jacobe, hanggang sa may nakapagsabing nakatulog ito sa loob ng hiniram na sasakyan.

Patay ang isang 8-taong gulang na bata matapos maiwan sa isang sasakyan sa Tondo, Maynila

Natagpuan na lamang si Jacobe ng kanyang tiyuhin na patay na sa loob ng sasakyan.

“Di ko matanggap, di ko nasaklolohan ang anak ko. Ako nagpalaki, mahal ko ang batang yon. Hindi ko matanggap pero aksidente po ang nangyari,” ani Papa.

Isasailalim sa autopsy ang bangkay ng bata para malaman ang dahilan ng kanyang pagkamatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.