PatrolPH

Tone-toneladang isda namatay sa Sampaloc Lake dahil sa 'overturn'

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2021 04:44 PM | Updated as of Jan 04 2021 08:59 PM

Tone-toneladang isda namatay sa Sampaloc Lake dahil sa 'overturn' 1
Namatay ang mga isdang tilapya at ayungin sa Sampaloc Lake sa San Pablo City, Laguna dahil sa phenomenon na tinatawag na overturn. Dennis Datu, ABS-CBN News

Tone-toneladang isda ang namatay sa Sampaloc Lake sa San Pablo City, Laguna dahil sa "overturn," sabi ngayong Lunes ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Ang overturn ay isang phenomenon kung saan bumababa ang mas malamig na tubig sa ibabaw ng lawa habang umaangat naman ang tubig sa ilalim, paliwanag ni Jonathan Nicolas, biologist ng LLDA.

Dahil dito, nagkakaroon ng kakapusan sa dissolved oxygen na nagreresulta sa pagkamatay ng mga isda, ani Nicolas.

Tatagal umano ang overturn, o tinatawag na "duong," hangga't malamig ang panahon.

Ayon kay Andrea Teodoro, fish cage owner at presidente ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council, gabi ng Biyernes nang mapansin nilang nagsisimula nang lumutang sa lawa ang mga naghihingalong isda.

Aabot sa higit 13 toneladang isda ang namatay, ani Teodoro.

Kumuha na rin ng water sample ang LLDA at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para masuri kung may iba pang dahilan ng pagkamatay ng mga isda.

Watch more on iWantTFC

Ayon naman kay BFAR-Calabarzon Director Sam Malvas, kailangan nang anihin ng mga fish cage owner ang lahat ng isda para hindi na madamay sa duong.

Ligtas naman aniyang kainin ang mga isda basta buhay pa nang anihin.

Problemado naman ang ilang fish cage operator dahil lugi umano sila sa nangyari.

Umaapela naman ang mga fish cage operator na bigyan sila ng pinansiyal na tulong o fingerlings.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

FROM THE ARCHIVES:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.