Kahit 'smuggled' at ilegal umano ang bakuna: Duterte nagbigay-pugay sa PSG

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2021 08:43 PM | Updated as of Jan 04 2021 11:25 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos sa kanilang paggamit ng hindi rehistrado at umano’y smuggled na bakuna sa COVID-19, pinapurihan pa umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang Presidential Security Group (PSG).

Ayon sa Malacañang, bilib na bilib ang Pangulo na handa umanong magsakripisyo ang PSG magampanan lang ang kanilang tungkulin.

"Nagbibigay-pugay po ang Presidente sa ginawa ng PSG. Sinugal po nila ang kanilang buhay para bigyan ng proteksiyon ang ating Presidente," ani Presidential Spokesman Harry Roque.

Pero kahit paulit-ulit na ginigiit ng Palasyo na walang nilabag na batas ang PSG, hindi pa rin masagot ni Roque kung paano napasakamay ang mga bakuna nang walang pahintulot mula sa gobyerno.

"It's immaterial. Ang materyal dito, sinugal nila ang mga buhay nila para protektahan ang presidente – full stop. That’s their business," ani Roque.

Gayunpaman, handa umanong humarap ang PSG sa mga imbestigasyon tungkol dito.

Matatandaang nabulaga ang marami noong nakaraang linggo matapos mabuking ang pagbakuna sa mga miyembro ng PSG at ilan pang kalihim.

Sa listahan kasi ng mga prayoridad, una dapat ang healthcare workers na maturukan sakaling may aprubado nang bakuna. Panglima lamang ang mga sundalo. 

Ayon naman sa ilang opisyal ng gobyerno, matter of national security and kaligtasan ni Duterte kaya nararapat na mabakunahan ang mga taong nakapaligid dito.

–Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.