Mga pasahero dagsa na sa mga paliparan, bus terminal, pier matapos ang Kapaskuhan

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2020 10:16 AM | Updated as of Jan 04 2020 07:23 PM

MAYNILA – Nagsimula nang dumagsa ang mga pasahero sa mga pier, bus terminal at airport ngayong weekend para makabalik sa Maynila o sa kanilang mga probinsiya matapos ang mahabang bakasyon sa nagdaang Pasko at Bagong Taon.

Mahal na ang mga ticket sa eroplano para sa mga luluwas ngayong weekend.

Sa Ninoy Aquino International Airport, maraming mga nagbakasyon sa mga probinsiya ang bumalik na sa Maynila kaya dagsa na ang mga pasahero sa arrival hall. Halos punuan na rin ang flights at ang ilang available flight ay doble presyo na.

Halos 200,000 pasahero naman ang dumaan sa mga pier mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi ng Biyernes, ayon sa Philippine Coast Guard.

Watch more in iWantTFC

Karamihan sa mga pasahero ay nasa mga pantalan sa Cebu, Iloilo, Palawan, Batangas, at Mindoro.

Marami ang nagsimula nang bumalik sa Maynila dahil umpisa na rin ng pasok sa trabaho at eskuwelahan ng nakararami sa Lunes.

Dumarami na rin ang mga pasahero sa Araneta City Bus Terminal sa Quezon City. Hindi lamang ang mga pauwi ng probinsya ang nandito sa bus terminal dahil maging ang mga nagbakasyon sa probinsya ay dito na ibinababa.

Pero mas marami pa rin ang mga pasahero na pabalik na ng kanilang mga probinsya. Masikip na ang loading bay ng terminal dahil sa marami sa mga bus company ang nagpapapila na lang sa tapat ng loading bay.

"First come, first served' ang ipinatutupad ng karamihan sa mga bus company dito at hindi na sila nagpapa-reservation.

Nagdagdag na rin ang ilang bus company ng mga bumibiyaheng bus. Kung sa karaniwang araw ay limang bus ang kanilang pinabibiyahe, ngayong weekend ay nasa walo hanggang 10 bus ang lalarga.

Fully-booked naman na hanggang Enero 5 ang A. Arandia Bus Line.

Mabagal na rin ang daloy ng trapiko sa paligid ng Araneta City Bus Terminal. May ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.