Konsumer ng Maynilad nagreklamo sa halos P20,000 water bill

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2020 05:07 PM | Updated as of Jan 04 2020 07:07 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Taong 2017 nang manlumo si May Casiguran matapos makitang umabot sa halos P20,000 ang kanilang Maynilad bill sa hindi tinitirahang bahay sa Cavite.

Tumangging magbayad si Casiguran at iginiit na posibleng may tagas sa tubo o sira ang metro ng Maynilad.

"Tsaka biglang P19,000. Buti sana kung gradual ang pagtaas," giit niya.

Sinabihan daw sila ng Maynilad na ipasusuri ang metro pero habang wala pa ay bayaran daw muna nila ang pansamantalang ikakabit na metro.
    
"Sabi ko, 'Ano 'yan harap-harapang holdap?' " ayon sa complainant.

Hindi pumayag si Casiguran kaya lalong lumobo ang bill sa higit P20,000. Dahil nagmatigas, kalaunan ay pinutulan sila ng tubig ng Maynilad.

"Mahirap lunukin na magbabayad ka ng isang bagay na hindi mo naman pinakinabangan. Di ka naman nanloloko, di ka naman nandadaya," pahayag niya.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa Maynilad ang reklamo ni Casiguran at natuklasang metro nga nila ang pumalpak batay sa meter testing.

Dahil dito, humingi ng tawad ang kompanya at sinabing ibabalik na ang suplay ng tubig sa bahay nang walang ano mang bayad.

Nitong pagpasok na Enero, may tubig na muli sa bahay nina Casiguran.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng "Tapat Na Po." — Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.