MAYNILA — Higit 11,000 pulis ang itinalaga para siguruhin ang matiwasay na pagdaraos ng Traslacion, ang taunang prusisyon sa imahen ng Itim na Nazareno na nilalahukan ng milyon-milyong deboto.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director Police Brig. Gen. Debold Sinas, 1,500 pulis ang isasama mismo sa prusisyon habang 10,000 ang itotoka sa paligid ng ruta.
Sa Enero 9, Huwebes, gaganapin ang Traslacion. Mula Quirino Grandstand, ipaparada ang imahen hanggang maibalik ito sa tahanan nito na Minor Basilica of the Black Nazarene, o mas kilala bilang Quiapo Church.
Dagdag pa ni Sinas, wala ring deboto ang papayagang makasampa sa harapan ng andas o karosa na paglalagyan ng imahen.
Sa likuran lamang papayagang makaakyat ang mga deboto upang maayos daw ang usad ng prusisyon.
Bahagi rin ng seguridad ang pagputol ng signal ng cellphone sa mga lugar na daraanan ng Traslacion.
—Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, Traslacion, Minor Basilica of the Black Nazarene, Quiapo, Catholic church, Itim na Nazareno, Black Nazrene, Quiapo Church, Maynila, TV PATROL, TV PATROL TOP