2 motorista sugatan sa magkahiwalay na banggaan sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2020 04:58 AM

ZAMBOANGA CITY—Sugatan ang 2 motorista sa magkahiwalay na aksidente sa lungsod na ito sa nagdaang linggo.

Sumalpok ang minamanehong motorsiklo ni Anwar Jala sa isang poste ng ilaw sa Zone 6, Barangay Cawit, na ikinasugat ng kaniyang ulo Biyernes ng gabi.

Ayon sa ilang nakakita, mabilis umano ang takbo ni Jala at nawalan ito ng kontrol sa manibela hanggang sa sumalpok sa isang poste ng ilaw.

Aminado naman ang asawa ni Jala na nakainom ang kaniyang mister matapos manggaling sa mga kaibigan.

Sugatan din ang isa pang motorista matapos sumalpok ang kaniyang minamanehong motorsiklo sa pampasaherong jeep sa Barangay San Jose, Cawa-cawa, Sabado ng madaling araw.

Ayon sa mga pulis, umiwas ang motorista na si Yves Tingson sa kanilang random security checkpoint.

Ayon sa mga pulis, posibleng walang lisensya o may ibang traffic violation si Tingson, kaya tila iniwasan nito ang kanilang security checkpoint.

Posible umanong pagbabayarin ang motorista sa mga natamong sira ng sasakyan. — Ulat ni Reuben James Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.