1-taong gulang na bata patay sa sunog sa Sagay City

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2020 03:27 PM

Tanging ang bata at tatlo pa niyang menor de edad na mga kapatid ang nasa bahay nang maganap ang sunog. Larawan mula sa Bureau of Fire Protection- Sagay City


Patay ang isang 1-taong gulang na batang babae matapos masunog ang kanilang bahay sa Sagay City, Negros Occidental, Huwebes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Sagay City Fire Station, tanging ang paslit at tatlo niyang mga kapatid lamang ang nasa kanilang kuwarto nang mangyari ang sunog.

Ginising umano ng 9 anyos na panganay ang kaniyang mga nakababatang kapatid nang sumiklab ang sunog.

Una niyang pinalabas ang dalawang kapatid pero ayon sa Bureau of Fire Protection, hindi na niya nakayanang kargahin ang bunsong kapatid dahil sa bigat nito.

Dagdag ng BFP, balak pa sanang balikan ng kapatid ang kanilang bunso pero pinigilan siya ng mga kapitbahay dahil sa malaki na ang apoy.

Wala na ang apoy nang makarating ang BFP dahil huli na rin umano nai-report sa kanila ang insidente.

Ayon pa sa BFP, lumuwas ng bayan ang ina ng mga bata para mag-charge ng cellphone dahil walang kuryente sa kanilang bahay.

Ang lamparang ginagamit sa kuwarto ng mga bata ang tinitingnan ng BFP na posibleng pinagmulan ng apoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.