PatrolPH

Lalaking ka-date ni misis inutas umano ni mister

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2019 05:48 PM

Lalaking ka-date ni misis inutas umano ni mister 1
Inundayan ng 13 saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima na ka-date umano ng misis ng suspek sa lugar na ito sa Iligan City. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News


ILIGAN CITY – Patay ang isang lalaki matapos umano undayan ng saksak ng asawa ng kaniya umanong ka-date na babae sa isang subdivision dito sa bayan, Huwebes ng gabi.

Nagtamo ng 13 saksak sa katawan si Gapul Aga na nagresulta sa kaniyang pagkamatay.

Ayon sa isang residente, palabas siya ng bahay nang abutan ang suspek sa aktong pananaksak sa biktima.

Nakiusap naman ang babaeng kasama nilang dalawa na magtago sa kanilang bahay.

“Paulit-ulit niyang sinasabi, ng babae, na wala namang ebidensiya 'yung suspek laban sa kanila. Akala ko asawa niya 'yung biktima. 'Yung suspek pala ang asawa niya,” sabi ng residenteng si Jomar.

Paliwanag naman ng bayaw ni Aga na si Berlin Paghasian na ilang beses nang nakiusap ang suspek na lubayan niya ang asawa.

Nanggaling na rin pala ang suspek sa barangay noong nakaraang buwan upang silipin sa CCTV kung sino ang kinakatagpo ng asawa tuwing gabi.

“Nagharap na rin sila sa Purok President at nagkasundo na ‘di na magkikita si Aga at si Marissa pero ‘di pa rin paaawat si Aga,” sabi ni Paghasian.

Dagdag pa niya na may asawa din si Aga.

Patuloy na pinaghahanap ngayon ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.