Gunman na umano'y pumatay kay Batocabe, nag-sorry

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2019 07:11 PM | Updated as of Jan 04 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniharap ng Philippine National Police (PNP) sa Pili, Camarines Sur nitong Biyernes ang itinuturong gunman na nakapatay kay Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe.

Isiniwalat ni Henry Yuson alyas "Rommel" na si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo nga ang nag-utos para patayin si Batocabe matapos nitong mag-anunsiyo ng pagtakbo sa halalan sa pagkaalkalde.

"Gusto po ni Mayor na siya ang permanenteng makaupo sa Daraga... May pangako siya sa amin na tuloy-tuloy ang kabuhayan namin kasi nagsasahod kami sa kaniya," kumpisal ni Yuson.

Isa si Yuson sa pitong suspek na kinontrata umano ni Baldo upang tambangan ang mambabatas noong Disyembre 22 habang namamahagi ng regalo sa senior citizens.

Sabi ni Yuson, wala siyang nakuhang pera matapos ang pagpatay kay Batocabe. Labis din aniya ang kaniyang pagsisisi sa ginawa.

"Gusto ko pong humingi ng tawad sa pamilya ng Batocabe po, napag-utusan lang, nabayaran lang ako na ipapatay si congressman," ani Yuson.

Todo tanggi naman si Baldo sa paratang, kahit pa mismong si PNP chief Director General Oscar Albayalde na ang mismong nagdawit sa kaniya bilang utak ng krimen.

"I assert my innocence. Let us not forget that while I am being used as a convenient scapegoat, those who are truly responsible for the crime remain free and blameless," aniya.

Pero ayon sa PNP, lahat ng ebidensiya at testimonya ng mga testigo ay si Baldo ang itinuturo.

"They voluntarily gave their statements dito. Their statements are all consistent sa isa't isa... That all points out to the mayor," giit ni Albayalde.

Bukod sa kasong double murder at anim na counts ng frustrated murder na isinampa laban sa alkalde at mga kasama, sinabi ni Department of Interior and Local Government secretary Eduardo Año na inaasikaso na nila ang kasong administratibo laban kay Baldo.


—Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.