Germany naghahanap ng 400 Pinoy nurse ngayong 2019

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2019 06:07 PM | Updated as of Jan 04 2019 11:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Buena manong job order ngayong 2019 ang alok ng bansang Germany na 400 posisyon para sa mga lisensiyadong nurse na Pinoy.

Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), 400 nurses na may dalawang taong experience pataas ang kailangan ng Germany sa ilalim ng "Triple Win Project" na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Germany.

"Tulad ng ibang country of destination natin, malaki kasi ang aging population ng Germany," paliwanag ni POEA administrator Bernard Olalia.

Pumapalo sa 1,900 euros ang starting salary o pumapatak na P113,000. Itataas naman ito sa 2,300 euros o halos P140,000 sa oras na maging rehistradong nurse sa Germany.

Pero medyo may kahabaan ang proseso.

Sa Pebrero 28 ang deadline sa pagsumite ng requirements, Marso naman ang interview, at kapag pasado ay kailangang dumaan sa German language training mula Abril hanggang Mayo.

Mahalaga kasi umano sa mga German employer na nakakaintindi at nakakapagsalita ng German ang nursing staff.

"Lalo na sa mga hospital kasi kailangan accurate 'yung instructions," ani Olalia.

Ang good news, sagot ng employer lahat ng gastos sa training, pati na ang airfare ng pumasang aplikante.

Dahil POEA ang magpoproseso, walang placement o recruitment fee.

—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.