Taxi driver na 36 oras na nagmamaneho, nakabunggo ng jeep, kapwa taxi

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 01:28 PM | Updated as of Jan 04 2018 03:04 PM

Nauwi sa multiple damage to property at physical injuries ang pagbunggo ng umano'y kulang sa tulog na taxi driver sa isang pampasaherong jeep at kapwa taxi sa Baguio City nitong Miyerkoles.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, 36 oras na umanong nagmamaneho ang tsuper ng Coekin Taxi na si Ronald Fassan, 55 anyos, na isa sa rason kaya ito nakabangga sa intersection road sa Ilusorio Drive.

Wasak ang harapan ng taxi na minamaneho ni Mario Ibañez, na may ihahatid daw sanang pasahero nang bigla itong mabunggo ni Fassan na papalabas ng Camp John Hay.
 
Una raw bumangga sa bakod ng isang hotel si Fassan bago nito mabunggo ang kasalubong na jeep.
 
Nagtamo ng minor injuries si Ibañez at ang 4 na pasahero ng jeep.

Wala namang nagsampa ng kaso laban kay Fassan,

Ayon sa pulis, aminado si Fassan na kasalanan niya ang nangyari.

Handa umano itong sagutin ang lahat ng pananagutan tulad ng mga bayarin sa mga nasirang sasakyan at mga pinanggamot ng mga nasugatan.

Kasalukuyan namang naka-impound ang sasakyan ng driver sa Police
Station 3.

Maaaring maharap sa reklamong reckless imprudence resulting to damage to property, vehicular accident resulting to multiple damage to properties, at physical injuries si Fassan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.