Senior citizens sa bansa, inaasahang dadami pa sa 2018

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2018 09:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa pinakahuling datos ng Commission on Population (POPCOM), umabot sa 105.3 milyon ang populasyon ng Pilipinas noong 2017, na tinatayang aabot pa sa 107.1 milyon ngayong 2018.

Bagama't pinakamalaking porsiyento ng populasyon ay mga 14 taong gulang pababa, kapansin-pansin din ang pagtaas ng bilang ng senior citizens sa bansa.

Kung noong 2017 ay nasa higit 7.8 milyon na ang mga senior citizen sa bansa, madaragdagan pa raw ito ng 140,000 ngayong 2018 para maging higit 8.1 million.

Paliwanag ng pinuno ng POPCOM, nakikisabay na ang Pilipinas sa maraming bansa kung saan ang karaniwang bilang ng mga anak sa isang pamilya ay tatlo imbes na dating anim. 

"Worldwide trend [ang] population control programs...Also, with medical advancement, people live long lives," ani POPCOM Executive Director Juan Antonio Perez.

Yun nga lang, kapag dumarami ang mga senior citizen, mas marami na rin ang mangangailangan ng serbisyo ng pamahalaan gaya ng pinansiyal at pangkalusugan. 

Ang 65 anyos na biyuda na si Berna dela Peña, kulang ang P500 buwanang pensiyon na natatanggap sa maintenance na gamot niya pa lang. 

"Bale lima ang vitamins ko, tapos dalawang maintenance para sa high blood, so mga P1,000 mahigit [ang gastos]," ani dela Peña.

May ibang seniors naman gaya ng 69 anyos na si Manuel Francisco na nagbabakasakali pang makapagtrabaho kahit part-time lang. 

Isa siyang retired na overseas Filipino worker (OFW) mula Middle East. 

Nalaman niyang may isang mall na nag-aalok ng part-time na trabaho sa senior citizens sa minimum na sahod. 

"Maganda ring laging kumikilos para hindi manghina ang katawan," ani Francisco.

Mungkahi pa ng POPCOM, bukod sa serbisyong medikal at tulong-pinansiyal ng pamahalaan, dapat ding hikayatin ang ating mga caregiver at nurse na manatili sa bansa para rito mag-alaga ng mga Pinoy senior citizen, imbes na sa ibang bansa. --Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.